Pook Pamanang Pandaigdig sa Filipinas

MGA PAMANANG POOK PANDAIGDIG SA FILIPINAS
World Heritage Sites in the Philippines

 

Pambansâng Párkeng Pandágat ng Tangríb ng Tubbatáha
Tubbataha Reef Marine Park

Ang Pambansâng Párkeng Pandágat ng Bangkota ng Tubbatáha ay napabilang sa Talaan ng Pamanang Pandaigdig ng UNESCO noong 1993. Kinikilala ang parke bilang isang “napakahusay na halimbawa ng isang napakalinis na tangrib na may kagila-gilalas na 100-metrong nakatindig na bakod, malawak na lawa at dalawang pulo ng tangrib.” Matatagpuan ito sa kalagitnaan ng Dagat Sulu sa munisipalidad ng Cagayancillo at sa Timog- silangang bahagi ng Lungsod Puerto Princesa sa Palawan. Kasama ang Hilaga at Timog na Tangrib, may 32,200 ektarya ang lawak ng parke. Isang natatanging halimbawa ito ng kulumpon ng tangrib na may napakaraming species pandagat. Mayroon itong mahigit 300 uri ng tangrib na kumakatawan sa mahigit 90% ng iba’t ibang uri ng tangrib sa Filipinas. Nagsisilbi rin itong santuwaryo ng mahigit sa 500 species ng isda at lamangdagat. Ang Hilagang Pulong Munti ay pinamumugaran ng mga nanganganib nang species ng ibon at pinangingitlugan ng mga pagong.

Mahalaga ang ecosystem ng Pambansang Parkeng Pandagat ng Tangrib ng Tubbataha hindi lamang para sa Filipinas kundi pati na rin sa buong mundo. Matatagpuan ito sa Coral Triangle na binibigyan ng espesyal na atensiyon ng mundo. Nagsisilbing lunsaran ang lugar ng mga pag-aaral tungkol sa pangangalaga ng ecosystem at biodiversity o saribuhay.

Ang Pambansang Parkeng Pandagat ng Tangrib ng Tubbataha ay itinatag noong 11 Agosto 1988 sa pamamagitan ng Proklamasyon Bilang 306 ni Pangulong Corazon Aquino. Sa bisa naman ng Presidential Decree 705, napabilang ito sa mga pinangangalagaang lugar sa Filipinas. Kailangang kolektibong isagawa ang pangangalaga sa parkeng ito upang mapanatili ang kasalukuyang napakalinis na kalagayan nito para sa kapakinabangan ng mga susunod na salinlahi.

Mga Payyo sa Cordillera
Rice Terraces of the Cordilleras

Payyó ang tawag ng mga Ifugaw sa ipinagmamalaki nilang rice terraces: mga hagdan-hagdang taniman ng palay na inukit sa gilid ng mga bundok. Bagama’t walang tiyak na siyentipikong batayan, may mga nagpapanukala na 2,000 taon na ang edad ng mga payyo. May mga nagsasabi rin na kung pagdudugtong-dugtungin ay liligid ang mga ito sa kalahati ng mundo. Sa ano’t anuman, kamangha-mangha ang pag-ukit at pagkakabit sa mga gilid ng bundok at pati na rin ang sistema ng irigasyon na nilikha ng mga sinaunang Ifugaw. Dahil dito ay kinikilala ang mga payyo bilang palatandaan ng henyong Ifugaw sa inhenyeriya.

Ang mga payyo ng Ifugaw ay nakatala sa World Heritage List ng UNESCO. Ang mga payyo sa Banaue ang pinakatanyag sapagkat ang mga ito ang karaniwang nakikita ng mga turistang bumibisita sa Ifugao o kinukunan ng retrato ng mga potograpo at nalalathala sa iba’t ibang publikasyon. Gayunman, marami pang kamangha-manghang payyo na matatagpuan sa mga bayan ng Mayoyao, Hungduan, at Kiangan. Sama-sama, ang mga payyo ng Ifugaw ay itinuturing ng pamahalaan bilang Pambansang Kayamanang Kultural ng Filipinas.

Isang buong kulturang umiinog sa palay ang ikinatatangi ng lipunang Ifugaw. Ang ang pinakamahalaga nilang mga baki (ritwal) ay may kinalaman sa pagtatanim, pag-aalaga, at pag-ani ng palay. Sa kaligirang ito ay makikita kung gaano kahalaga ang kanilang mga payyo. Gayunman, sa kasalukuyan ay peligroso ang lagay ng mga ito. Marami ang sinira ng mga kalamidad na tulad ng bagyo at lindol, at marami ang unti-unting gumuguho dahil sa kapabayaan.

Malaking problema ang kawalan ng sapat na pondo sa pag-aalaga ng mga payyo, ngunti malaki ring problema ang bagong henerasyon ng mga Ifugaw na walang sapat na interes sa pagpapatuloy ng mga tradisyonal na kaugaliang kaugnay ng pangangalaga sa mga payyo. Dahil sa masaklap nitong kalagayan, noong 2001 ay nalagay sa List of World Heritage in Danger ang mga payyo.

Pambansâng Párke ng Ílog sa Ilálim ng Lupà ng Puerto Princesa
Puerto Princessa, Subterranean River National Park

Napabilang ang Puerto Princesa Subterranean River National Park o Pambansâng Párke ng Ílog sa Ilálim ng Lupà ng Puerto Princesa (Puwerto Prinsesa) noong 1999 sa Talaan ng Pamanang Pandaigdig ng UNESCO dahil sa kamangha-manghang pagkabuo ng limestone karst at sa mahabang ilog nitong naglalagos sa paanan ng bundok.

Matatagpuan ito sa bulubundukin ng Saint Paul sa Hilagang-Kanluran ng Lungsod Puerto Princesa, sa Palawan. Kilala rin ito bilang St. Paul’s Subterranean River National Park o St. Paul’s Underground River. Itinanghal ang pambansang parkeng ito bilang isa sa New Seven Wonders of Nature noong 28 Enero 2012. Bukod sa pagiging isang kamangha-manghang tanawin, ang parke ay isa ring mahalagang lugar sa pangangalaga ng saribuhay. Matatagpuan dito ang isang biyolohikong komunidad ng magkakaugnay na organismo mula bundok hanggang dagat. Ang kabundukang sakop nito ay nababalot ng mahigit 90% ng malalaking karst o di-regular na pormasyon ng mga batong-apog. Matatagpuan din dito ang malagong kagubatan ng naglalakihang mga punongkahoy. May bakawan, damong dagat, tangrib, at makapal na lumot ang paligid na malapit sa dalampasigan. Ang pangunahing panghalina ng parkeng ito ay ang St. Paul’s Underground River Cave na may 24 kilometro ang haba. Bahagi nito ang Cabayugan River na 8.2 kilometro ang haba. Natatangi ang ilog na ito dahil tumatagos ito sa isang yungib bago tuluyang dumaloy sa South China Sea. Namumukod ang yungib na ito dahil sa malalaking pormasyon ng stalactites at stalagmites at sa pagkakaroon ng mga silid ng yungib nito. Matatagpuan din sa parkeng ito ang mga nanganganib na mga espesye ng hayop gaya ng Palawan Peacock Pheasant, dugong, bayawak at pagong-dagat habang pangkaraniwan namang matatanaw ang Palawan tree shrew, Palawan porcupine, Palawan stink badger at iba’t ibang uri ng isda, hipon at ahas.

Santuwaryo ng Ilahas sa Bulubundukin ng Hamiguitan
Mount Hamiguitan Range Wildlife Sanctuary

Idineklara bilang pambansang parke at santuwaryo ng mga ilahas na hayop at halaman noong 2003 at napabilang sa listahan ng UNESCO World Heritage Site noong 2014, ang Santuwaryo ng Ilahas  sa Bulubundukin ng Hamiguitan ay matatagpuan sa Munisipalidad ng San Isidro at Governor Generoso, at Lungsod ng Mati sa Davao Oriental. May taas na 1,637 metro, at nagsisilbing kanlungan  at tirahan ng iba-ibang ilahas na mga hayop at halaman sa bansa dahil sa taglay nitong kompleto, di pa nagagalaw, at iba-ibang ekosistemang mabuti para sa iba’t ibang endemikong espesye ng flora at fauna kabilang ang espesye ng banoy o Philippine eagle at Philippine cockatoo, gayundin ng napakaraming puno at halaman na dito lamang matatagpuan. Pinaniniwalaan ng mga siyentista na dahil sa kakaibang lupa at klima dito na mabuti para sa mga endemikong hayop at halaman, marami pang espesye ng hayop at halaman dito na madedeskubri.

Pinangangalagaan ng pamahalaan ang santuwaryong ito sa pamamagitan ng ilang regulasyong sakop ng Philippines Natinal Integrated Protected Areas System (NIPAS) Act of 1992 ng Kagawaran ng Kaligiran at Likas na Yaman at kasama dito ang paggabay sa mga tagapamahala ng lugar upang mas epektibong maprotektahan ang santuwaryo. Ipinagbabawal dito ang pagtotroso, pagmimina, at pagsarbey sa mga yamang enerhiya na matatagpuan sa lugar.

Makasaysayang Bayan ng Vigan
The Historic Town of Vigan
Vigan, Ilocos Sur

“Siyudad ti Vigan” para sa mga Ilokano, ang Lungsod Vigan, ang kabesera ng probinsiya ng Ilocos Sur, at naisama sa listahan ng UNESCO World Heritage Site noong 1999 dahil sa taglay at napanatili nitong matandang estruktura na may bakás ng mahabang panahon ng kolonyalismong Español sa Filipinas at sa buong Asia. Kilala sa natatanging arkitektura gaya ng kalyeng gawa sa tisa, gusaling may mga dibuho, mga bahay na bato, at mga simbahang baroque.

Sinasabing ang “Vigan” ay mula sa pangalan ng halamang “bigaa” na napakarami noon sa paligid ng Ilog Mestiso, at umano’y ibinigay ng Español na si Kapitan Juan de Salcedo, ang Español na ipinadala ni Haring Phillip II noong 1572 kasama ang 80 sundalo upang galugarin ang baybayin ng Ilocos, sa pag-aakalang ang kaniyang itinatanong sa mga katutubo ay ang pangalan ng halaman. Tinawag ding “Villa Fernandina” bilang pagkilala kay Prinsipe Ferdinand, ang panganay na anak ni Haring Phillip II ng España. Sa pag-unlad ng lungsod na ito, at nang mailipat ang Archdiocese ng Nueva Segovia, pinangalanan ito pagkaraan bilang “Ciudad Fernandina de Vigan.”

Dahil sa paglilingkod ni Salcedo, ipinagkaloob sa kaniya ang probinsiya ng Ilocos na kinabibilangan ng Ilocos Norte, Ilocos Sur, Abra, La Union at ilang bahagi ng Mountain Province bilang kaniyang encomienda, at ang Vigan ang naging kabesera. Dinala niya ang ilang misyonaryong Agustino upang magpalaganap ng katolisismo at itinatag ang isang Lungsod Español upang kontrolin din ang ibang katabing bansa. Samakatwid, naging sentro ng kolonyalismong Español ang Vigan.

Bago dumating ang mga Español, nagsilbing sentro ng kalakalan ang Vigan at ang mga Chino, na lulan ng mga bangka ay dumadayo upang makipagpalitan ng ginto, pagkit (beeswax), at iba pang mineral at produktong mula sa katutubo mula sa Kordilyera. Ang ilan sa kanila ay nanirahan dito at nakapangasawa ng mga katutubo kaya marami sa mga taga-Vigan ay may dugong Chino. Nang dumating ang mga Español, nagpalit din sila ng mga pangalang Español bagaman ang ilan sa kanila ay pinanatili ang pangalang Chino gaya ng pamilyang Syquia. Si dating pangulong Elpidio Quirino ay ipinanganak din sa Vigan at nanirahan sa kilaláng Syquia Mansion.

Noong 2015, kinilala rin ang Vigan bilang isa sa “New 7 Wonders Cities” kabilang ang Beirut, Doha, Durban, Havana, Kuala Lumpur, at La Paz.


Mga Simbahang Baroque sa Filipinas

Baroque Churches of the Philippines

Simbahang Paoay
(Simbahang San Agustin)
Church of Saint Augustine
Paoay, Ilocos Norte

Kilala rin bilang Simbahan ng San Agustin, ang Simbahang Paoay ay matatagpuan sa Bayan ng Paoay, Ilocos Norte. Isa ito sa apat na simbahang baroque ng Filipinas na napabilang sa talaan ng Pamanang Pandaigdig ng UNESCO noong 1993 dahil sa “pambihirang estilong pang-arkitektura na halimbawa ng pagaangkop ng Europeong Baroque sa Filipinas ng mga artesanong Intsik at Filipino.”

Itinayo ang panulukang-bato ng simbahan noong 1704 at ang pundasyon ng kampanaryo nito, noong 1793. Nabuo ang simbahan noong 1894 sa pamumuno ni Padre Antonio Estavillo at pormal na pinasinayaan noong Pebrero 1896. Yari ito sa batong koral, ladrilyo, kahoy, at mga dagta ng puno. Ang estilong baroque ay nilangkapan din ng impluwensiyang Gotiko at oryental gaya ng makikita sa patsada, gablete, at mga ukit sa pader nito.

Ang simbahang ito ay may 24 na kontrapuwerteng nagsisilbi ring pananggalang sa lindol. Kaya naman kinikilala rin ang Simbahang Paoay Earthquake Baroque Church ng Filipinas. Ilang beses nang bahagyang nawasak ng lindol ang simbahan—noong 1706, 1827, 1865 at 1885— ngunit nananatili itong nakatayo hanggang sa kasalukuyan.

Ang tatlong palapag na kampanaryo ng Simbahan ng Paoay ay sadyang inihiwalay sa estruktura ng simbahan upang hindi ito makapinsala sakaling bumagsak ito. Bukod sa gamit ng kampanaryo sa mga layuning pansimbahan, mahalaga rin ang naging papel nito sa kasaysayan.

Ginamit ito ng mga Katipunero noong panahon ng Rebolusyong 1896 at ng mga gerilya noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig para magbabala sa pagdating ng mga kaaway, sa pamamagitan ng pagpapatunog ng kampana.

Simbáhang San Agustín
Church of San Agustin
Intramuros, Manila

Ang Simbáhang San Agustín ang pinakamatandang simbahang bato sa Filipinas. Matatagpuan ito sa Kalye Hen. Luna at Calle Real sa Intramuros, Maynila. Idinisenyo ng Español na si Juan Macias, ang simbahan ay mas naunang nakilala bilang Inglesia de San Pablo. Isa ito sa apat na simbahang Baroque ng Filipinas na napabilang sa Talaan ng Pamanang Pandaigdig ng UNESCO noong 1993 dahil sa “pambihirang estilong pang-arkitektura na pag-aangkop ng Europeong Baroque sa Filipinas ng mga artisanong Intsik at Filipino.”

Unang itinayô ito noong 1571 nang ideklara ng mga Español ang Maynila bilang kabesera ng bansa. Ang simbahan na yari lámang sa pawid at kawayan noon ay nasira agad nang lusubin ni Limahong ang Intramuros noong 1574. Nang muling itayô ito noong 1583, gumamit na ng kahoy, at nang muling idisenyo ito noong 1599, gumamit na ng bato. Taóng 1606 nang matapos ang konstruksiyon ng simbahan.

Sinasabing ang plano at disenyo ng simbahan ay ayon sa inaprobahan ng Royal Audencia ng Mexico. Gayunman, mahigpit na isinaalang-alang ang kalidad ng materyales na gagamitin sa pagtatayô at sa kalagayan ng panahon sa bansa. Dahil dito, sa kabila ng mga pinagdaanan nitóng mga sunog, mga lindol (na naganap noong 1645, 1754, 1852, 1863, at 1880) at pagbomba noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ang Simbahan ng San Agustin ang tanging estrukturang itinayô noong siglo 16 na nananatili hanggang ngayon.

Bukod sa pagiging isang mahalagang pamanang pangarkitektura, saksi rin ang simbahan sa mga makasaysayang yugto ng Filipinas. Matatagpuan sa loob nitó ang mga labí ni Miguel Lopez de Legaspi, ang Español na mananakop na nagtatag ng Lungsod Maynila. Sa sakristiya naman nitó nilagdaan noong 1898 ang kasunduan sa pagsuko at pagpapasakop ng Maynila sa mga mananakop na Americano. Dito rin ginanap noong 1953 ang Kauna-unahang Plenaryo ngKonseho ng Filipinas. Noong 1973, ang monasteryo nitó ay ginawang lagakan ng mga relikya at iba pang likhang sining na mula pa noong siglo 16.

Simbáhang Sánta María
(Simbahang Mahal na Señora de la Asuncion)
Church of Nuestra Señora de la Asuncion
Santa Maria, Ilocos Sur

Ang Simbáhang Sánta María, na kilala rin bilang Simbahang La Asuncion De La Nuestra Señora ay isa sa apat na simbahang Baroque ng Filipinas na kabilang sa Talaan ng Pamanang Pandaigdig ng UNESCO. Kinilala ang simbahang ito dahil sa “pambihirang estilong pang-arkitektura na pag-aangkop ng Europeong Baroque sa Filipinas ng mga artisanong Chino at Filipino.” Matatagpuan ito sa Santa Maria, Ilocos Sur.

Itinayô ang simbahan ng mga paring Agustino. Ang simboryo ay ginawa noong 1810 at natapos makalipas ang isang taón. Ang simbahan at kumbento ay nása itaas ng isang burol kung kayâ’t nagbibigay ito ng panoramikong tanawin sa mga karatig-bayan at tabing-dagat. May mahigit 80 hagdang-bato mula sa paanan ng burol paakyat sa simbahan.

Gaya ng iba pang simbahang itinayô sa panahon ng pananakop ng Español, ang patsada ng Simbahang Santa Maria ay napagigitnaan ng dalawang malalaking haligi at ang buong estruktura ay sinusuportahan ng iba pang matataas at malalapad na mga haliging semento.

Natatangi naman ang mamula-mulang kulay ng simbahan dahil yari ito sa adobe. Nakatayô sa bandang gilid ng simbahan ang nakahiwalay na kampanaryo na yari sa bato at parang isang pagodang Chino na may patong-patong na hugis oktagonal na papaliit ang sukat pataas. Sa harap naman ng simbahan ay makikita ang kumbento na nakadugtong sa pamamagitan ng tulay na bato.

Simbáhang Miag-ao
(Simbahang Sto. Tomas de Villanueva)
Church of Sto. Tomas De Villanueva
Miag-ao, Iloilo

Ang Simbáhang Miag-ao (miyág-aw) ay isa sa apat na simbahang Baroque ng Filipinas na naitala sa Talaan ng Pamanang Pandaigdig ng UNESCO noong 1993. Ang simbahan ay matatagpuan sa bayan ng Miag-ao, sa Iloilo. Kinilala ang simbahan dahil sa “pambihirang estilong arkitektural nito na pag-aangkop ng Baroque Europeo sa Filipinas ng mga artesanong Chino at Filipino”.

Itinayô noong 1787 ni Fray Francisco Maximo Gonzales, isang misyonerong Agustino, ang simbahan ay simbolo ng daan taóng kultura at pamumuhay ng mga nanirahan sa Miag-ao. Sinasabing may dalawang maaaring pinagmulan ang tawag na Miag-ao, sa miagos, isang ilahas na halamang noo’y mayabong na tumutubò sa lugar, at sa miyagaw. Ayon sa kuwento, tinanong ng mga Español ang pangalan ng lugar ngunit inakala ng Negrito na ngalan niya ang tinatanong at sinabing Miyagaw.

Ang pagsasakatutubo ng disenyong Baroque ay mababanaag sa pinakaharap ng simbahan na pinalamutian ng pintura ng mga punò ng niyog, bayabas, at papaya. Yari ito sa tabriya, isang uri ng batong-mina mula sa Bundok Igrabas, ilang kilometro mula sa kabayanan. Makikita rin dito ang napapagitnaang rebulto ni Sto. Tomas ng Villalon, ang santong patron ng simbahan, ng mga rebulto ni St. Henry at ng Santo Papa at kani-kaniyang sagisag sa kanilang ulunang bahagi. Ang tinubog sa gintong retablo ang nagbigay naman ng dagdag na kinang sa payak na interyor nito.

Hindi nakapagtatakang nakapanatili ang Simbahang Miag-ao sa loob ng ilang dantaon dahil sa pagkakayari nitong parang kuta. Nakabaón ng anim na metrong lalim, ang mga pader ay isa’t kalahating metro ang kapal at triple naman nito ang pagkakayari sa mga haligi na sumusuporta sa buong estruktura. Ang simbahan ay nagsilbi ring tanggulan noong panahon ng digmaan. Sa bisà ng Presidential Decree No. 260 noong 1 Agosto 1973, ginawaran ng makasaysayang pananda ang Simbahang Miag-ao.

 

[Mula sa Sagisag Kultura (Filipinas Institute of Translation at Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining, 2015)]

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.


*