Aklat ng Bayan

Mga pabalat ng librong inilathala sa programang Aklat ng Bayan
Komisyon sa Wikang Filipino

Aklat ng Bayan, aklat ng karunungan
Ni Eilene Narvaez

 

ABSTRACT

Translation is an impetus for the development of a national language. It is an instrument to indigenize thoughts, ideas, experiences using our own language. In a multi-cultural and multi-lingual society such as the Philippines, translation is a means to incorporate the contributions of our different cultures into a collective consciousness that is part and parcel in strengthening a national language. As such, it can be argued that the development of a language and the existence of national consciousness and unity go hand in hand.

 Komisyon sa Wikang Filipino (KWF)–­–the sole agency mandated to regulate the Filipino language by virtue of RA 7104­­––spearheaded the “Aklat ng Bayan” project. This project aims to enrich the minute corpus of knowledge written in Filipino by publishing Filipino books showcasing the wide potential of the Filipino as a language of creation, research and development, reaching its target audience inside and outside of the country through the books that are of high quality but are at a low cost. In this project, KWF reproduces exceptional studies on the language, culture, and literature in the Philippines; translates literary works from both native and foreign languages; and publishes new researches, theses, and dissertations on the topics ranging from language, culture, literature, to other fields and disciplines in Filipino.

The “Aklat ng Bayan” project provides a platform to fully develop the Filipino language alongside the different languages in the Philippines, which can be used as a foundation to expand knowledge and love for the country.

 

Sa Konstitusyong 1987, itinakda ang Filipino bilang wikang pambansa. Mula noon, maraming hakbang na ang naisagawa ng iba’t ibang institusyon at organisasyon, sa gobyerno at pribadong sector, upang malinang ang wikang ito bilang opisyal na wika ng pamahalaan at edukasyon. Kabilang na rito ang ibayong pagsisikap sa larangan ng pagsasalin.

Iniatas, halimbawa, ng Executive Order 335 (1988) and pagsasalin sa Filipino ng lahat ng opisyal na transaksiyon, komunikasyon, at korespondensiya. Sa Unibersidad ng Pilipinas, pinagtibay noong 1989 ang isang patakarang pangwika na naging daan sa pagtatatag ng Sentro ng Wikang Filipino (SWF). Ilang organisasyong pangwika ang nagdaos naman ng mga seminar ukol sa teorya at praktika ng pagsasalin, gaya ng isinasagawa ng Filipinas Institute of Translation (FIT).

Sa labas ng akademya, lumaganap din ang pagsasalin, lalo sa larangan ng kulturang popular at mass media. Ang mga telenobela at pelikulang mula sa Korea, Latin America, Taiwan, Japan, Thailand, China o USA na ipinapalabas sa telebisyon ay napapanood ngayon sa wikang Filipino. Nababása din sa Filipino ang mga sikát na popular na nobela gaya ng seryeng Harry Potter, Vampire Diaries, Hunger Games, at iba pa.

Buháy na buháy ang gawaing pagsasalin bagamat mga hiwa-hiwalay itong pagsisikap na isinasagawa ng iba-ibang organisasyon at institusyon alinsunod sa kani-kanilang layunin. Sa kabila nito, malaki ang naitulong ng mga ito sa paglaganap ng Filipino at pagkilala dito bilang lingua franca ng bansa.

Ayon kay Dr. Galileo Zafra sa artikulo niyang “Ambag ng Pagsasalin sa Pagpapaunlad ng Wikang Pambansa,” katuwang sa pag-unlad ng isang wikang pambansa ang pagsasalin. Kasangkapan ito para maangkin natin sa ating wika ang mga angkat na kaisipan, dalumat, at karanasan. Sa isang multilingguwal at multikultural na lipunan, pagsasalin ang paraan para madaling mailahok ang ambag ng iba’t ibang kultura sa isang kamalayang nakapaloob sa isang wikang pambansa.

Sa pagsusulong ng gawaing pagsasalin, pinakamasigasig ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), ang pangunahing ahensiyang pangwika ng pamahalaan. Kinikilala ng KWF ang napakahalagang papel na ginagampanan ng pagsasalin sa intelektuwalisasyon ng wikang Filipino.

Aklat ng Bayan bilang aklat ng karunungan

Ayon sa datos ng National Book Development Board (NBDB) noong 2014, 88 porsiyento ng mga Filipino ang nagbabasá ng aklat na hindi pampaaralan ngunit sa kabila nitó, mga 6,000 bagong aklat lamang sa bawat taon ang nailalathala sa Filipinas. Hamak na kaunti ito kompara sa produksiyon ng libro sa mga kalapít na bansa sa Asia gaya ng Indonesia (24,000), Vietnam (halos pareho ng Indonesia), Malaysia (10,000-15,000), Thailand (13,000), at Singapore (8,000-12,000).

Sa isang survey na ginawa ng NBDB, lumitaw na ang binabasa ng mga Filipino ay mga popular na genre, lalo na ang mga romansa, gayundin ang mga aklat ng pagluluto, kasaysayan, katatawanan, at komiks. Kayâ hanggang ngayon, hindi pa rin tumataas ang pagtingin sa Filipino bílang wika ng karunungan dahil tinatangkilik lamang ito sa babasahíng popular at sa mass media tulad ng telebisyon, radyo, at tabloid.

Samakatuwid, hindi lamang usapin ng bílang ang problema kundi pati ang eksposyur ng mga Filipinong mambabasá sa de-kalidad na babasahín lalo na iyung nakasulat sa Filipino. Ayon sa NBDB, bukod sa mababàng produksiyon ng mga aklat, walang ring mahusay na sistema ng distribusyon, sa pagbebenta man sa mga buk-istor o pamamahagi sa mga aklatan, kaya maraming lugar at maraming mambabasa ang hindi naaabot ng mga lokal na aklat. Sa mga komersiyal na tindahan, isang kabinet lang na nasa sulok ang nakalaan para sa mga babasahíng Filipino.

Sa ganitong lagay ng industriya ng aklat sa bansa, isang mahalagang ambag ang proyektong Aklat ng Bayan ng KWF na sinimulan sa panahon ng panunungkulan ni Virgilio S. Almario, Pambansang Alagad ng Sining sa Literatura. Sa artikulong “Ang Adhika ng Aklat ng Bayan,” sinabi niya na bukod sa pagsasakatuparan ng pinapangarap niyang “Aklatan ng Karunungan,” isang modelo rin ang kanilang inihahain tungo sa pagpapasigla ng pambansang industriya ng aklat na hindi lamang nakatuon sa kíta kundi lalo’t higit sa kalidad ng mga aklat na mababása ng mamamayang Filipino.

Ayon sa KWF, napakaliit pa ng korpus ng karunungang nása wikang Filipino kaya isa itong pangmatagalang proyekto na ngayo’y kanilang puspusang itinataguyod. Layuning itampok dito ang kakayahan ng wikang Filipino bilang wika ng paglikha at saliksik. Dito, muling inililimbag ng KWF ang mga katangi-tanging pag-aaral sa wika, kultura, at panitikan ng Filipinas; isinasalin ang mahuhusay na akda mula sa mga wikang katutubo, panitikang-bayan man o bagong malikhaing akda; isinasalin ang mga dakilang akdang banyaga; at inilalathala ang mga bagong pananaliksik ng mahuhusay na tesis at disertasyon hinggil sa mga paksang pangwika, pangkultura, at pampanitikan, kasáma na rin ang iba pang paksa sa ibang disiplina na nása wikang Filipino.

Mayroon nang naitalang higit 80 aklat—mga aklat na de-kalidad sa murang halaga—ang nailathala ng KWF para maabot ang maraming mambabasá sa loob at labas ng bansa. Kabílang sa mga ito ang mga tanyag na klasikong aklat sa larangan ng pilosopiya kagaya ng Ang Republika ni Plato at Poetika ni Aristotle na kapwa isinalin ni Almario; mga akdang pampanitikan na orihinal na nakasulat sa wikang banyaga tulad ng Gitanjali ni Rabindranath Tagore (India) na pinangunahan din ni Almario ang pagsasalin, at Ang Piping Balalaika at Iba Pang Kuwento ni Ba Jin (China) na isinalin ni Joaquin Sy; mga likha ng mga Filipinong bayani na nakasulat sa wikang Español gaya ng isina-Filipino ni Almario na Konseho ng mga Diyos sa May Ilog ni Jose Rizal at Ang Rebolusyong Filipino ni Apolinario Mabini na isinalin ni Michael M. Coroza; at higit sa lahat, ang mga akdang pampanitikan mula sa rehiyonal na wika na inilathala kasama ng salin nitó sa wikang Filipino katulad ng Panitikang Meëranaw ni Sandor B. Abad, Mga Kuwentong-Bayan ng Cordillera ni Dr. Purificacion Delima, Dandaniw Ilokano: Mga Tulang Ilokano 1621-2014 ni Junley Lazaga, Walay Igsoon ni Juan Irles Villagonzalo (Cebu), at An Satuyang Kakanon sa Aroaldaw ni Kristian Cordero (Bikolano).

Malinaw na sa pamamagitan ng Aklat ng Bayan, nagkakaroon ng espasyo upang malinang ang mga wika at mapalawak ang karunungan ng mga Filipino.

Eilene Antoinette G. Narvaez, editor at tagasalin sa Filipino, at kasalukuyang assistant professor sa Unibersidad ng Pilipinas, Diliman. Siya ang may-akda ng Sawikaan: Isang Dekada ng Pagpili ng Salita ng Taon (Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Salin, 2015). (egnarvaez@gmail.com)

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.


*